Pangkalahatang-ideya
Noong 1869, itinatag ng Japanese government ang Sado Mine bilang minahan ng gobyerno, at sinimulang ipakilala ang mga Western technology sa pamamagitan ng mga dayuhang engineer. Noong 1885, nang italaga si Oshima Takato—isang nangungunang personalidad sa industriya ng pagmimina sa bansa—bilang direktor, lalo pang pinaunlad at pinalawak ang minahan, kabilang ang pagtatayo ng bagong pasilidad para sa ore processing, pagpapatayo ng Oma Port, atbp. Noong 1889, nang mapasailalim ito sa pag-aari ng Imperial Household, itinatag ni Watanabe Wataru, ang pinuno ng Sado Branch Office, ang isang mining school upang sanayin ang mga engineer. Noong 1896, ibinenta ang minahan sa Mitsubishi & Co., Ltd., at mula noon, naging pribado ang pamamahala nito. Simula 1930, sa utos ng pamahalaan para sa malaking produksyon ng ginto, itinayo ang mga pasilidad tulad ng Takato Crushing Plant at Kitazawa Flotation Plant. Noong 1953, napagpasiyahang paliitin nang husto ang operasyon ng minahan upang pahabain ang buhay nito, kaya isinara ang karamihan sa mga pasilidad. Pagkatapos nito, nagpatuloy ang pagmimina, ngunit noong 1989, tuluyang itinigil ang operasyon.
Ang Takato District ay may Takato Shaft na binuksan noong 1889 at Doyu Shaft na binuksan noong 1899. Itinuturing itong isa sa mga sentro ng pagmimina ng Sado Mine. Nagsilbi itong himpilan ng iba’t ibang pasilidad, mula sa pagmimina at ore processing hanggang sa mga imprastraktura atbp. para sa suplay ng kuryente. Hanggang ngayon, nakatayo pa rin ang Takato Crushing Plant, Takato Storage Shed, at iba pang istruktura. Sa Train Depot ng Sado Mine (Machinery Workshop), makikita ang exhibit ng mga makinaryang aktwal na ginamit noon.
Ang Takato Crushing Plant ay ginamit mula mga 1937 hanggang 1989 para sa pagdurog at pag-uuri ng ore gamit ang makinarya. Ang nadurog na ore ay dinadala sa Storage Shed sa pamamagitan ng belt conveyor. Ang Takato Storage Shed naman ay ginamit mula 1938 hanggang 1989 bilang pansamantalang imbakan ng ore na dinala mula sa Crushing Plant sa pamamagitan ng belt conveyor, at kayang maglaman ng hanggang 2,500 tonelada ng ore.
Ang Kitazawa District ang lugar na may pinakamaraming pagbabago sa landscape mula nang maging pag-aari ito ng gobyerno noong 1869. Noong huling bahagi ng ika-19 siglo, itinalaga ito bilang sentro para sa ore processing at smelting, at kasama rito ang pagpapakilala ng mga bagong teknolohiya sa pagmimina at modernisasyon ng mga pasilidad. Hanggang ngayon, nananatili ang mga labi ng dating Kitazawa Cyanidation at Flotation Plant na itinayo mula sa huling bahagi ng ika-19 hanggang sa unang bahagi ng ika-20 siglo, ang Kitazawa Thermal Power Plant Generator Room na itinayo noong 1908, pati na rin ang Kitazawa Flotation Plant na itinayo mula 1930s hanggang sa unang kalahati ng 1940s, ang 50m thickener, atbp. Sa pasukan ng Kitazawa District, matatagpuan ang dating gusali ng Sado Branch ng Imperial Property Bureau, na ngayon ay nagsisilbing Aikawa Town Folk Museum kung saan makikita ang exhibit na may kaugnayan sa minahan.
Ang Kitazawa Flotation Plant ay itinayo noong 1937 at may kapasidad na magproseso ng 50,000 tonelada ng ore bawat buwan. Sa pamamagitan ng flotation method, ang pinakamodernong teknolohiya noon, nakamit dito ang pinakamataas na taunang produksyon ng ginto. Sa kasalukuyan, ang ibabaw na estruktura ng gusali ay tinanggal na, at ang pundasyon na lamang ang nananatili.
Ang Oma District ay isang district na dating may port na eksklusibo para sa minahan at thermal power plant. Ang Oma Port, na itinayo bilang eksklusibong port para sa minahan, ay nilikha upang ilabas ang ginto at pilak at ipasok ang mga materyales para sa minahan. Noong 1887, sinimulan ang land reclamation sa port, ngunit nabigo ito dahil sa malalakas na alon. Dahil dito, inimbitahan si Hattori Choshichi, ang nagpaunlad ng tinatawag na “artificial stone process”—isang teknik kung saan ang pinaghalong slaked lime at lupa ay hinahaluan ng tubig upang makabuo ng tinatawag na “Tataki” na siyang sinasama sa stonework—na dati ring gumawa ng mga levee at revetment sa Aichi Prefecture atbp. Sa ilalim ng kanyang pamumuno, sinimulan ang konstruksiyon noong 1890 at natapos ito noong 1892. Pagkatapos nito, nilagyan ng mga crane, loader bridge, atbp. ang port, at noong 1940, itinayo rin ang thermal power plant. Hanggang ngayon, nananatili pa rin ang artificial stone revetment at mga pundasyon ng crane, na nagpapanatili ng hitsura ng port noong panahon ng pagtatayo nito.
令和7年度 文化資源活用事業費補助金(文化財多言語解説整備事業)